ANO Ang "National Baptist Day" (NBD) ay alinsunod sa Batas Republika Bilang 11897, na nagdedeklarang ang ikalawang Huwebes ng Enero ng bawat taon ay isang Special Working Holiday. Ito ay paggunita sa mga Baptist ng Pilipinas sa kanilang natatanging kontribusyon sa pagbuo ng nasyon, sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalaganap ng kanilang 'evangelical mission' at pagpapatayo ng mga eskwelahang nagtuturo ng Bibliya para sa ikabubuti ng lipunan. Ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa na kumikilala at nagpapahalaga sa pananampalataya at mga kontribusyon ng mga Baptist sa komunidad. Ngayong ika-12 ng Enero taong 2023, ipinagdiriwang ang ika-123 na taon ng presensya ng mga Baptist sa Pilipinas. PAANO Unang isinumite ni dating Representative at Bishop Bienvenido Abante Jr. ang House Bill No. 6179 noong ika-4 ng Pebrero taong 2020 sa House of Representatives. Noong 2020 din naaprubahan ang una hanggang pangatlong pagbasa at naisampa ang Senate Bill No. 2522 sa Senado. Nitong Mayo 30, 2022 ay natapos at naaprubahan na ang pangatlong pagbasa sa Senado. *Ang unang bersyon na iprinesenta sa House of Representative ay nagsasaad na Enero 16 ang petsang ilalaan para sa National Baptist Day kumpara sa bersyon sa Senado kung saan ito ay ginawang tuwing ikalawang Huwebes ng Enero. Sa wakas, ito'y naging batas noong Hulyo 23, 2022, hudyat ng opisyal na pagkilala ng gobyerno sa komunidad ng mga Baptist sa Pilipinas. SINO Ang "Pananampalatayang Baptist" sa Pilipinas ay pinaniniwalaang nagsimula sa isang Ilonggo na nagngangalang Braulio Manikan. Nagsimula ang kaalaman niya sa katotohanan ng Bibliya noong siya'y labindalawang taong gulang dahil sa isang ipinuslit na Bibliya ng kanilang dating kasambahay. Noong nagpunta siya ng Espanya upang mag-aral ng kursong Engineering, siya ay tuluyan na ring naging isang Baptist sa prinsipyo at pananampalataya. Mayo ng taong 1900, bumalik si Manikan sa Pilipinas kasama ang kanyang kaibigang Swedish National na si Eric Lund. Sila'y nagtayo ng isang mission na pinangalanang "Jaro Evangelical Church”, sa Jaro, Iloilo noong Setyembre ng taon ding iyon. Ito ang kinikilalang unang simbahang Baptist sa Pilipinas. Sa kanilang pamamahayag ng ebanghelyo ng Panginoong Hesukristo, kumalat ang Pananampalatayang Baptist sa Iloilo. Sa kabila-kabilang hirap at hamon na kanilang kinaharap, purihin ang Diyos at nagpatuloy ang paglaganap ng pananampalataya dahil na rin sa pagpapadala ng mas marami pang misyonerong Baptist galing Estados Unidos nang makita nila ang gawain sa Visayas. Nag-umpisa ang gawain sa Metro Manila noong 1928. At mula doon, nagkaroon din ng mga Pilipinong misyonero na nakapagtayo ng mga simbahan mula sa mga probinsya ng Luzon, Visayas, hanggang Mindanao. Umusbong ang iba't ibang "fellowship" na patuloy na nagpapalaganap ng ebanghelyo at ng Pananampalatayang Baptist. Mula pa sa kapanahunan ni Barulio Manikan hanggang sa kasalukuyan, naging sangkot ang mga Baptist sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng komunidad. Ang pagpapatayo ng mga paaralan, mga dormitoryo at mga hospital, kasama na rin ang pagpapalago ng mga hanapbuhay, at pagsuporta sa mga indibidwal na maabot ang kanilang mga propesyonal na pangarap, lahat ng ito ay kasama sa paglilingkod sa komunidad, bayan, at bansa ng mga 'Bible Believing Baptist'. SAAN Ginanap ang unang pagtitipon ng mga Baptist, sa pangunguna ni Bishop Benny Abante Jr., noong ika-16 ng Enero taong 2020 sa SMX Convention Center, Pasay City kasabay ng pagdiriwang ng ika-120 na taon ng presensya ng mga simbahang Baptist sa Pilipinas. Bago ang taong 2020, naging layunin ni Bishop Abante na pagbuklurin ang mga simbahang Baptist sa Bansa. Ang mga simbahang Baptist ay kilala sa pagiging “autonomous” o pagkakaroon ng kalayaan sa pagpapalago ng sariling minesteryo at gawain. Dahil dito, may pagkakanya-kanya at pagkakagrupo-grupo ang bawat isa sa kabila ng paniniwala sa iisang doktrina at pagkakaroon ng iisang Diyos na sinasamba. Kaya naman naisipan ni Bishop Abante na magkaroon pagkakaisa ang bawat simbahang baptist sa Pilipinas kung saan ang itinuturing na unang hakbang ay ang pagsulong ng National Baptist Day. Ngayong ipinagdiriwang ang ika-123 na taon, nagkaroon ng unang pagtitipon ang mga Baptist sa San Fernando, Pampanga noong Enero 8, 2023 sa pangunguna ng Independent Baptist Mission for Asians (IBMA). Nagkaroon din ng ‘Kick-Off Fellowship’ nitong Enero 9, 2023 sa Lighthouse BBC, Tatalon. At muling gugunitain ng pormal ang National Baptist Day sa Metropolitan Bible Baptist Ekklesia sa Sta. Ana, Manila noong Enero 12, 2023. BAKIT Ang mandato ng bawat Kristiyano ay hindi lamang palaguin ang relasyon sa Panginoon ngunit habang lumalalim at lumalaki ang pag-ibig at pananampalataya sa Panginoon, ganoon din ang paglalim, pag-unawa at pagpapakita ng pag-ibig ng Panginoon sa kapwa, lalo na sa mga tao sa labas ng simbahan. Ang National Baptist Day ay pagpapatunay na ginawa ng mga naunang Baptist ang kanilang obligasyon bilang mabubuting mamamayan ng Pilipinas habang tapat na naglilingkod sa Diyos; na ang mga ministeryong itinayo sa mga komunidad ay may malaking dulot sa pagbabago. Ang pagkakakilanlan ng mga Baptist ay nakabatay sa Diyos. Sa tulong ng National Baptist Day, mas lalong maipapamalas sa mundo ang tamang doktrina at pananampalataya. Dahil sa pagkakakilanlan na ito, nahihikayat ang bawat mananampalataya sa buong bansa na masabayan at makamit ang inaasahan sa bawat indibidwal na Baptist sa gawa at salita. Ang malinaw na pagkilala ng lipunan sa mga Baptist ay isang hudyat at pag-uudyok sa bawat isa na kumilos at patuloy na ipalaganap ang tamang ebanghelyo ni Hesukristo at sundin ang “Great Commission” upang maabot ng salita ng Diyos ang bawat tao ng Pilipinas. /isinulat ni: Jenzhel Sanchez /inilathala ni: Em Gacad Mga Sanggunian:
Parreño, A. (2020, January 19). On the 120th Year of the Philippine Baptists. The Philippine Star. https://www.pressreader.com/philippines/the-philippine-star/20200119/281685436800547 Lopos, B. E., et al. (2022, June 12). Lighthouse Prism, Vol. 3. Issue 3, 1-10.
0 Comments
Leave a Reply. |
Archives
January 2023
Categories |